MgaEpal.com True Stories : Human Grease
By mgaepals on 09:04
Filed Under:
Ito ay galing lang sa isa sa amin dahil sya lang ang nagkaron ng PERSONAL na encounter sa "taong grasa". Ito ay mula kay "Boss Chip"...
Kwento ito. Pasensya na. Nangyare years ago nung magpapapicture ako sa studio malapit dito sa amin, dahil akala ko kailangan magdala ng picture sa LTO pag kukuha ng lisensya (Mga 17 years old siguro ako non.) Tapos na akong kunan ng picture at antayin ko na lang daw. Nagyosi muna ako sa labas. Sa tabi ng studio, may kiosk na nagbebenta ng mga balls (fishballs, squidballs, chickenballs, kikiamball at samalamigballs) . May umupong taong grasa sa may tabi ng kiosk...
Tahimik lang yung taong grasa na nakaupo sa sahig. Mukang nagpapahinga lang dahil pagod sa kakalakad.
Tindera sa kiosk: Hoy! Umalis ka nga dito! May mga customer na kumakain!
Hindi ako makapaniwala na sinigawan nya yung taong grasa. Nasa sahig lang naman yung tao at walang ginugulo. Hindi din naman sya mabaho dahil mejo malapit ako sa kanya, wala naman akong naaamoy.
Sumigaw ulit yung tindera...
"Hoy! Ano ba! Wag ka dito!"
Naaawa na ako dun sa taong grasa. Hindi ko na nahihithit yung yosi ko dahil natulala na lang ako sa nangyayari. Hindi ko alam kung baket, pero naramdaman ko na bumibilis yung tibok ng puso ko. Mukang sumisipa yung adrenaline ng katawan ko dahil naiinis ako sa tindera nung kiosk. Nakatingin ako nun sa tindera pero wala akong magawa. Pero nung nakita ko yung muka nung taong grasa na nahihiya at mukang nag-iisip kung saan sya pwedeng magpahinga na hindi sya mapapahiya, hindi na umandar yung utak ko. Bigla na lang ako napatayo.
"Boss Chip": Miss dalawang kikiam para sa kanya.
Kasya lang para sa dalawang kikiam yung pera ko non, sukli lang sa bayad ng pagpapicture ko. Alam kong hindi sya mabubusog sa dalawang kikiam. Binilihan ko lang sya ng kikiam para hindi na nya kailangan tumayo ay lumipat ng pwesto para pakapagpahinga. Hindi na sya pwedeng paalisin nung gagong tindera dahil customer na sya.
Hindi ko na alam kung ano yung naging reaksyon nung tindera at nung ibang customer dahil hindi ko na sila tiningnan. Nagsindi ako ulit ng yosi tapos inantay ko lang umalis yung taong grasa. Hindi sya nag-thank you, tinapik lang nya yung tuhod ko nung aalis na sya tapos tumungo lang. Tumungo lang din ako, hindi ko kailangan ng thank you, madami nang nasabi ang tunguan namin na yon. Umalis na din ako agad sa tapat ng kiosk dahil ayaw ko ng mga eksenang pabida. Tapos kinuha ko yung pictures ko para sa LTO na hindi naman pala kailangan.
Tuwing nakakakita ako ngayon ng mga taong grasa, minsan nag-aabot ako ng barya, minsan hindi. Sa tingin ko, ang pinaka masarap na tulong na pwede nating ibigay sakanila ay ang hindi sila pandirihan... hindi sila tingnan na mukang takot tayo... IPARAMDAM NA NAIINTINDIHAN NATIN YUNG KALAGAYAN NILA. Hindi na siguro natin kailangan ng matabang bulsa para magawa yan.
Kung iisipin ko ngayon, mali pala yung ginawa ko nung pinapaalis yung taong grasa sa may kiosk. Hindi ko na pala dapat inantay na sigawan sya ng pangalawang beses.
Ang pabasang 'to ay naging response dito
0 comments for this post