MMK (Maalaala Mo Kuya) episode 11

By mgaepals on 09:02

Filed Under:

Dear kuya Chico,

Itago mo na lang ako sa pangalang Ambet. May tatlong taon na mula nung grumadweyt ako ng college. Nagtapos ako ng course na nursing sa isang hospital na naki-uso at naging nursing school para pagkakitaan ang mga taong tulad ko na nag-akala na magiging in demand ang mga nurse hanggang sa ibang planeta. Nung grumadweyt ako, naghanap agad ako ng trabaho dahil agawan sa bakanteng spot ang mga bagong nurses. Sa kabutihang palad, napasama ako agad sa listahan ng mga under consideration para maging resident nurse sa isang hospital. Pang 472 daw ako sa listahan at tatawagan daw nila ako agad pag nagkaron ng opening. Pag siniswerte ka nga naman.

Habang nag-aantay ako na matawagan, hindi ako lumalabas ng bahay. Iniisip ko kasi na baka magkaron ng opening dun sa hospital, at pag tinawagan nila yung 471 na nauna sa akin baka busy lahat ng land line nila, at sana low bat ang cellphone nilang lahat. Pero makaraan ang 2 days, nawalan na ako ng pag-asa. Sinubukan kong maghanap ng trabaho sa internet. May mga opening na nursing position sa ibang bansa kaso ang gusto nila ay yung may 2 years experience. Naisip ko tuloy maging volunteer nurse sa mga hospital na nang-e-exploit ng mga nurse na nangangailangan ng experience para makapagtrabaho sa ibang bansa. Sinuwerte naman ako dahil ok ang napasukan kong hospital bilang volunteer nurse. May libreng bananacue tuwing Thursday, at walang bayad gumamit ng CR.

Isang araw, habang on duty ako sa hospital, tumawag ang mama ko. Ibebenta na daw nila ang bahay at lupa namin sa Laguna at gagamitin nila ang pera sa pagreretiro. Gusto daw kasi nilang ma-enjoy ang buhay. Naging mabait at mapagmahal ang mama at papa ko. Nag-iisa akong anak kaya spoiled ako. Ngayon na malaki na ako, panahon na siguro na sila naman ang magpasarap. Kaso wala akong mamanahn, badtrip.

Every month, nagpapadala ang mama at papa ko ng mga postcard kung saan na sila nagbabakasyon. May post card galing Mexico, Australia, Jamaica, Quiapo, London at iba pang lugar. Kahit naiinggit ako sa kanila, natutuwa din ako dahil muka silang masaya. Hinihiling ko gabi-gabi ang kaligtasan nila at pinagdarasal ko na sana ay pinagdadasal din nila ako.

Nung makuha ko ang 2 years experience na kailangan para makapag-nurse sa ibang bansa, akala ko madali na. Pero dahil hindi na ganon ka in demand ang nurses at madami na din ang bansa na nagmamanufacture ng nurses lumipas ang isang taon na wala akong ginagawa. Napagpasyahan ko na magtrabaho sa call center para matustusan ang pangangailangan kong magpost sa Facebook ng pictures na nagbabakasyon ako at gumigimik. Akala ko magiging routine na ang buhay ko at wala na akong ibang gagawin kundi magtrabaho nang biglang...

Tumawag si mama. May promo daw ang susunod nilang bakasyon. Buy 2 tickets get 1 free. Baka may kilala daw ako na gustong sumama sa kanila. Muntik ko nang murahin si mama. Sinabi ko na ako na lang ang sasama. Natuwa si mama at sinabing bukas na bukas din ay ipapadala nya ang ticket. Nung dumating ang ticket, nakita ko na sa Tibet pala kami pupunta. Nag-empake ako agad at nagpaalam sa opisina.

Pagdating sa Tibet, sinalubong ako ni mama ng yakap, si papa, apir lang daw dahil ayaw daw nya ng affection in public. Pero hindi ako nakatiis at niyakap ko si papa. Niyakap din naman nya ako bago nya ako sinikmurahan. Doon sa Tibet, enjoy lang kami. Kain sa labas. Kuhaan ng picture para sa Facebook. Punta sa mga tourist spots. Sa huling araw ko sa Tibet, niyaya ako nila papa sa isang temple. Madaming turista sa temple, at sa labas ay may nakita akong matandang nagbebenta ng mga lumang libro. Mga libro daw ito ng self awakening at realizations. Binili ko agad dahil libre naman ni papa.

Pag-uwi ko sa Pilipinas, balik trabaho na naman ako. Isang madaling araw, kararating ko lang sa inuupahan kong condo, nakaramdam ako ng gutom. Pandesal lang ang nakita ko at para mapasarap, nagtimpla ako ng kape. Nung matapos akong kumain, naalala ko na hindi pala ako dapat uminom ng kape dahil hindi ako makakatulog. Naisip kong magpaantok muna sa may terrace. Nagyosi muna ako, at para mapasarap, nagtimpla ulit ako ng kape. Lumipas ang dalawang oras at hindi parin ako inaantok. Naalala ko yung librong binili ko sa Tibet. Inisip ko na sana boring yung libro para antukin ako. Pero mali pala ang ginawa ko dahil sobrang nagustuhan ko ang pagbasa nung libro. Sinimulan ko sa simula, at natapos ako nung nasa katapusan na. Madami akong natutunan sa libro. Pero ang pinaka tumatak sa utak ko ay ang pagiging praktikal. Hindi daw mabubuhay ang tao kung pura materyal na bagay lang ang gugustuhin nya.

Lumipas ang ilang araw Kuya Chico. Pinag-iisipan ko parin ang mga nabasa ko. Naisip ko na ang dami kong ginagastosan na hindi ko naman kailangan. Naisip ko din na yung mga sinaunang tao naman ay hindi naman maluho pero kinaya naman nila mabuhay. Alam kong kaya ko din mamuhay ng simple kaya nagkaron ako ng idea para sa isang life-changing experience. Magiging caveman ako.

Hindi na ako magtatrabaho at manghuhuli na lang ako ng hayop para kainin. Mamimitas na lang ako ng mga prutas at gulay. Hindi na din ako bibili ng mga damit, at bahag o kaya balat ng hayop na lang ang isusuot ko. Pwede kong gawing damit ang balat ng wolf, cow, lion, bear, o kaya bangus. At titira lang ako sa cave. Madami na ang nagsabi na kalokohan ang kagustuhan kong maging caveman, pero sigurado na ako na ito ang gusto ko. Kailangan ko lang ng tulong mo Kuya Chico. Saan ba merong pwedeng upahan na kweba? Kahit 2 bedroom lang, basta may parking. Sana ay mabigyan mo ako ng sagot sa lalong madaling panahon.

Lubos na gumagalang,
Ambet


Title: Tibet

0 comments for this post

Post a Comment