MMK (Maalaala Mo Kuya) episode 9

By mgaepals on 09:03

Filed Under:

Dear Kuya Chico,

Itago mo nalang ako sa pangalang Kenny. Isa akong HRM student. Kinuha ko ang kurso na ito dahil magaling ako magluto ng breakfast. Matataas ang grade ko sa lahat ng subjects ko at akala ko ay magiging mataas din ang grade ko sa Foreign Language class namin na nagtuturo ng Japanese. Akala ko nung una ay magiging madali para sakin matuto ng Japanese dahil mahilig naman ako manuod ng Japanese shows tulad ng Dragon Ball Z, Shaider, Slam Dunk, Voltes Five, at Takeshi's Castle. Pero nagkamali ako Kuya Chico... nagkamali ako.

Unang naging malinaw sa akin na wala pala akong alam sa Japanese noong unang exam namin sa Foreign Language. Pinasulat kami ng teacher namin ng limang Japanese words at ilagay daw namin sa tabi nito ang ibig sabihin nito sa English. Wala akong maalala sa mga napag-aralan namin kaya umasa nalang ako sa mga natutunan ko sa mga napanuod kong Japanese show. Sinimulan kong mag-isip. Ang una kong sinulat ay ang madalas kong marinig sa Slam Dunk, "Reboundo" na ang ibig sabihin ay rebound. Ang sumunod na sagot ko ay "Voltes Fayva" na ibig sabihin ay Voltes Five. Pangtlong sagot ko ang "Kame Hame Wave" na ang ibig sabihin sa english ay Haduken. Ang pang-apat kong sagot ay "Igeeee" na ang ibig sabihin ay "attack Master Takeshi". At ang huli kong sagot ay "Babilos" na ang ibig sabihin ay "come here airplane". Lahat ng kaklase ko ay pasado sa exam, ako lang ang nakakuha ng zero. Naniniwala ako na hindi nagbibigay si God ng pagsubok na hindi natin kayang lampasan. Sana si God nalang ang naging teacher ko.

Kung alam ko lang na hindi pala ako matututo ng Japanese na kakapanuod ng Japanese shows sana ay nakinig nalang ako ng JPOP. Baket naman kasi salita sa Japan pa ang napiling ituro sa Foreign Language class namin? Sana salita nalang sa Australia, o kaya salita sa United Kingdom, o kaya salita sa America, o kaya salita sa New York, o kaya salita sa Antipolo. Sa loob ng dalawang linggo, wala na akong kinain kundi Remen at sushi pero hindi parin ako natutong magsalita ng Japanese. Sinubukan ko na din gumamit ng chopsticks sa pagkain para lang matuto ng Japanese, kahit sabaw ginamitan ko ng chopsticks pero wala parin. Ngayon ay may naisip akong paraan na sa tingin ko ay siguradong matututo na akong Japanese. May isa lang akong katanungan Kuya Chico. San ba nakakabili ng lampin na gamit ng mga sumo wrestler? Sana ay mabigyan mo ako ng sagot bago kami mag-exam ulit.

Lubos na gumagalang,
Kenny

Tittle: Ramen

0 comments for this post

Post a Comment