Pacquiao vs Marquez... Controversy on 3.

By mgaepals on 09:19

Filed Under:

 image hugot dito

Sa lahat ng laban ni Manny Pacquiao, dito kami pinaka nahirapan maghimay. Kinailangan naming panoorin ng tatlong beses yung laban bago kami nagkaron ng medyo klaro na bagsak sa laban. Sa tingin namin, sa mga nanood ng live, kung hindi kakampi sa kahit sino sa dalawang fighter, mararamdaman ng nanood na panalo si Juan Manuel Marquez. Kahit kami, kay Marquez namin binigay yung panalo pagkatapos manood nung una, dahil mukang sya ang dominante sa laban. Mukang sya ang may control nung laban. Kadalasan tuwing may laban si Manny, pagkatapos na pagkatapos ng laban, nakakapaglabas agad kami ng reaksyon. Pero dahil sobrang dikit ng laban, inabangan namin ang replay para panooron ulit. Sa pangalawang beses naming manood, ang binantayan namin ay ang kilos ng dalawang fighters. Yung mga gestures nila bago mag-umpisa yung laban, yung kilos nila sa loob ng ring, at reactions nila pagkatapos ng laban. Walang gaanong kakaiba sa body language ni Pacquao at Marquez bago mag-umpisa yung laban. Sa mismong bakbakan, don namin napansin na parehong may pagbabago sa kanila. Nagmukang mahina ang mga suntok ni Manny. May kinalaman malamang yung desisyon nya na maging mas magaan pa kahit pasok na sya sa timbang na pinapayagan para sa laban nila. Ginawa daw ni Manny yon dahil gusto nyang maging mas mabilis pa. Mukang effective naman dahil komportable si Manny sa speed nya, kaso dahil gumaan ang bigat ng braso nya, kitang mas mahina ang power ng mga suntok nya. Malakas parin, pero kung ikukumpara sa mga dating laban nya, mas mahina talaga ang power. Habang si Marquez naman, sa hindi inaasahang pangyayare 'e nakapagdevelop ng mga suntok na may mas powerful na impact. Mukang maganda ang pagkukundisyon na nagawa ng kampo nya dahil hindi sya bumagal sa proseso ng pagpapabigat. Sa weigh in nila, tumimbang si Manny ng 143 pounds habang si Marquez naman sa 142 pounds, pero nung laban kitang mukang mas mabigat yung walking weight ni Marquez. Kahit natatamaan si Marquez ng mga suntok ni Manny, hindi sya masyadong nayayanig. Pero pag tinamaan naman ni Marquez si Pacquiao, umaalog sya kahit sa gloves nya lang tumatama. (walang score ang sapak sa gloves.) Nung natapos ang round 12 napansin din namin na mabilis tinaas ni Marquez yung mga kamay nya, habang si Manny ay umiling habang pabalik sa corner nya. Bagay na nakita ng mga tao bilang sign ng kasiguraduhan ni Marquez sa sarili at pagdududa sa side ni Manny. Pagkatapos manood ng pangalawang beses, kay Marquez parin namin binagay yung panalo.

Sa una at pangalawang beses ng panonood ng laban, ang binantayan at pinagbasihan namin ng winner ay kung ano ang normally binabantayan at pinagbabasihan din ng average na manonood. Sa pangatlong beses namin manood ng laban (replay) sinubukan naman naming mag-score. Dikit lahat ng round kaya sa 10-point scoring system mukang 9 at 10 lang talaga ang karapatdapat na ibigay sa bawat fighter. Hindi kami professional analyst at itong mga score na 'to ay base lang sa kung sino ang lamang sa mga suntok na nag-connect.

round 1: 10 to 9 Marquez
round 2: 10 to 9 Marquez
round 3: 9 to 10 Pacquiao
round 4: 9 to 10 Pacquiao
round 5: 10 to 9 Marquez
round 6: 9 to 10 Pacquiao
round 7: 10 to 9 Marquez
round 8: 10 to 9 Marquez
round 9: 9 to 10 Pacquiao
round 10: 10 to 9 Marquez
round 11: 9 to 10 Pacquiao
round 12: 9 to 10 Pacquiao

Sa scoring namin, lumabas na tig anim na round ang nakuha ni Pacquiao at Marquez. tig 114 ang score na binigay namin sa kanila. Yan din ang score na binigay ng isa sa mga judges.

Sa pinakitang punch stats ni Freddie Roach sa twitter nya, lumabas na konti lang din ang nilamang ni Manny sa punches connected.


Pagkatapos namin manood ng pangatlong beses, doon namin naintindihan kung baket si Manny ang nanalo. Sa ginawa naming scoring at base sa punch stats mas magiging katanggap tanggap kung ginawang draw yung laban. Pero sa tingin namin, hindi lang yang mga yan ang naging basehan ng desisyon. Si Manny Pacquiao ang nakatungtong ngayon sa pinaka tuktok ng boxing world. Sa halos lahat ng fights na sobrang dikit ang score, pabor sa super star, o sa sitwasyon na 'to, pabor sa super star at reigning champion ang magiging desisyon ng judges. Kung bumaliktad ang sitwasyon, at halimbawang si Manny ang challenger, sa ganong kadikit na laban malamang talo si Manny. Sa tingin namin, para manalo si Marquez sa ginawang laban, dapat sya ang naging aggressor. Kaso hinde. Sa lahat ng round, kitang si Manny ang sumusugod, habnag puro atras si Marquez. Isa yon sa mga naging panabla ni Manny. Ang isa pang lamang ni Manny ay ang inaabangang laban nila ni Floyd Mayweather Jr. Inaasahan na papalo ng 200 million dollars ang hahatakin ng laban na yon kung nagkataon. Kung natalo si Manny, magkakaron ng lamat ang anticipation para don. Pwedeng nakaapekto rin yon sa outcome ng laban ni Pacquiao at Marquez.

Hindi kasing convincing ang panalo ni Pacquiao ngayon kumpara sa mga nakaraang panalo nya. Madami parin ang magdududa at may dahilan naman talagang pagdudahan ang panalo ni Manny kung performance lang ang pagbabasihan. Pero nagkataong hindi ganon kasimple ang boxing. Pati kami, may duda rin sa pagkakapanalo ni Pacquiao. Kahit mismong si Manny, sa loob-loob nyan, malamang may pagdududa parin. Pero bilang fighter, kailangan nyang isipin na sa kanya ang panalo. Malaking boost sa mga boksingero ang tiwala sa sarili. Kung matutuloy ang laban nila ni Mayweather, hindi pwedeng may doubt sa sariling kakayahan si Pacquiao. Pero bago nya harapin si Mayweather, mukang may plano pa ang Team Pacquiao na pagbigyan ulit si Marquez ng isa pang bout. Sinabi ni Bob Arum na gusto nyang maglaban ulit si Manny At Marquez. Sinabi ni Roach na kahit nauumay na sya, kailangan mangyari ang pang-apat na paghaharap. At wala namang kaso kay Manny na makalaban ulit ni Marquez. Sa pinakita ni Marquez, at sa paraan ng pagkakapanalo ni Manny, sobrang deserving si Marquez na mapagbigyan ulit. At kailangan din ni Manny ng pagkakataon na mapatunayan sa lahat na sya talaga ang better fighter, sa pamamagitan ng convincing at dominating na panalo. Kailangang magkaron ng Pacquiao Marquez 4

Ang badtrip sa nangyare, magiging kontrobersyal na mantsa yan sa historic na boxing legacy ni Manny Pacquiao. Pero aminin na natin ang totoo, kahit medyo malamya ang naramdaman natin sa controversial na panalo ni Pacquiao, mas ok parin yan kesa sa mararamdaman natin kung nagkataong na-declare si Juan Manuel Marquez na new WBO welterweight champion of the world.

Post a Comment