Ask The Authors: "cool off"

By mgaepals on 09:00

Filed Under:

Tanong:
Ganito po kase, may ka-relasyon ako, mga 2 months pa lang ang itinatagal ng relasyon namen. Pareho kameng 2nd year highschool at magkaklase. Masaya naman ang pagsasama namen, nang biglang dumating ang dalawang araw na hindi ko sya pinansin. Yung dalawang araw na yun, exam namen. Hindi ko alam kung bakit ko siya hindi magawang lapitan nung araw/oras na yun. Tapos pagkalipas ng dalawang araw, sabado, nilapitan ko sya. Kaso, pagkatawag ko, ang sinagot nya lang, "Oh?". Tapos lumingon na sya sa iba, hindi na nya ako pinansin. Nang lumipas naman ang ilang oras namen, biglang may nakapagsabi na "cool off" na daw kame. Wala naman akong magawa, wala akong ibang masisi kundi sarili ko lang. Wala akong ibang masabi. Kasalanan ko. Ngayon, sa kwento kong yan, may tanong lang po ako Mgaepal. Paano po ba humingi ng "sorry" sa kakaibang paraan na hindi ko kailangang magsalita? O kahit kailangang magsalita, ayos lang po. Sana po masagot/matulungan niyo po ako.

MgaEpal.com:
Kid, nung sinasabi mo na yung problema mo, inumpisahan mo sa "nang biglang dumating". Ikaw ang gumawa, at hindi bagay na hindi mo kontrolado ang nangyare. Hindi yon "nang biglang dumating." Pero nandyan na yan, nangyare na. Ang tanong mo, kung pano magso-sorry ng hindi nagsasalita. Simple lang, magsorry ka sa utak mo lang, para ikaw lang ang makaalam. Pero kung balak mong malaman nung tao na nagsisisi ka, malamang kailangan mong magsalita. Alam mong ikaw ang mali, mag-sorry ka. Pag tinanggap ka nya ulit, ayos. Kung hinde, palipasin mo na. 2nd year high school pa lang naman kamo kayo, gagamitin na namin ang laspag na linyang "Bata pa kayo."

Payo lang sa mga batang "in a relationship" na ang mga status sa facebook, pag nararamdaman nyo na may gagawin kayong madrama, isipin nyo muna kung ano ang negative na epekto nito pag nagkataon. Matakot kayong maging masyadong madrama para hindi kayo gumawa ng masyadong pa-senti na bagay na MAS MAKAKASIRA, KESA MAKABUTI. Kung hindi nyo mapigilan, at least man lang tingnan nyo kung ano ang pwede nyong matutunan pagkatapos nyong gawin yung mga kalokohan nyo sa relationship. Dadating kasi ang panahon na makikilala nyo yung taong pinaka lapat para sa inyo. Pag dating ng panahon na yon, dun sisipa ang kaalaman nyo sa mga bagay na kailangan nyong iwasan para hindi masaktan yung taong dapat nyong alagaan.

Post Scriptum:
Hindi talaga namin alam kung baket niisip nyong samin ipadala yung mga tanong na may kinalaman sa love life. Kadalasan naman alam nyo yung sagot. Kailangan nyo lang yata ng second opinion. Nagpapasalamat, at natutuwa kami sa tiwala nyo, pero sa totoo lang mas matutuwa kami kung mga magulang nyo ang bibigyan nyo ng tiwala para tulungan kayo. Build a relationship with your parents. Wala kang dapat ikahiya o ikatakot kung susubukan mong maging MAS malapit sa kanila. Tandaan nyo, gago lang ang magulang na papalag pag gustong kumapit ng anak nila sa kanila.

0 comments for this post

Post a Comment