MMK (Maalaala Mo Kuya) episode 12

By mgaepals on 09:02

Filed Under:

Dear Kuya Chico,

Itago mo na lang ako sa pangalang Renfield. Isa akong professional 3rd place winner sa mga singing contest. May mga nagsasabi na hindi daw ako magaling kumanta dahil lagi lang daw akong 3rd place. Hindi siguro nila naisip na mas madali lang kunin ang 1st place, pero ang timplahin ang boses mo para siguradong 3rd place lang ang makuha mo ay sobrang hirap. Araw-araw akong nagpa-practice para ma-maintain ang mejo maganda lang na boses. Nagtataka ang nanay ko kung baket ayaw ko maging 1st place sa mga singing contest. Hindi naman sya nagtatanong pero kutob ko lang, nagtataka yun. Ang totoo nyan, gusto ko naman maging 1st place, kaso natatakot akong madiscover dahil ayaw kong maging sikat na singer. Ayaw kong maging sikat na singer dahil gagawin ka din nilang artista at pasasayawin tuwing Sunday. Hindi ako marunong umarte at sumayaw Kuya Chico. Nagtuloy-tuloy parin ang pagiging 3rd place winner ko sa iba't-ibang singing contest sa buong Pilipinas. Maayos ang takbo ng buhay ko hanggang isang araw...

Gabi pala. Nilagnat ako, at pinagbawalan ako ng doktor kumanta dahil kailangan ko daw magpahinga. Dalawang araw na pahinga lang naman daw ang kailangan ko kaya ok lang. Dalawang araw pa din naman bago ang susunod kong singing contest. After 2 days, masigla na ako ulit at ready na para lumaban. Espesyal ang contest na yun dahil sakto sa birthday ng nanay ko ang date na yun. Bago ako magsimula dinedicate ko sa nanay ko yung kanta. Napili kong kantahin ang Happy Birthday. Batak na ako sa mga contest kaya hindi na ako kinabahan, pero nasobrahah ata ako sa self confidence dahil nabigo akong makuha ang 3rd place. Malaki pala ang epekto ng dalawang araw na hindi ako nakapag-practice. Nanalo ako Kuya Chico. Sa di inaasahang pangyayari, nakuha ko ang 1st place. Yun na yata ang pinaka malungkot na moment ng buhay ko. Pakiramdam ko nun, gusto ko nang mamatay. Pero sabi nga nila, everything happens for a reason, kaya naging matatag ako at tinanggap ang katotohanan.
Awa ng Diyos, hindi naman ako nadiscover at hindi ako sumikat. Mas pinag-igi ko ang pagpapractice at ngayon ay puro 3rd place na ako ulit. Sana ay mapulutan ng aral ng mga readers mo ang kwento ko at malaman nila na hindi tayo bibigyan ni Lord ng blessing na hindi natin kayang lampasan.

Lubos na gumagalang,
Renfield

Title: Happy Birthday

0 comments for this post

Post a Comment