MMK (Maalaala Mo Kuya) episode 2

By mgaepals on 07:04

Filed Under:

Dear Kuya Chico,

Itago mo nalang ako sa pangalang Mara. Ang pamilya namin ang pinaka mahirap sa aming lugar, at minsan hindi ko matanggap ang naging kapalaran namin. Bakit kaya kung sino pa ang mahirap, sya pang lalong pinahihirapan. Halos lahat ng kapitbahay namin sa Barangay Forbes Park ay alam ang aming katayuan. Minsan nga ay iniisip ko nang maging working student para sa pamilya ko, pero nakakatamad. Humingi ako ng dagdag sa allowance ko kay ama, pero sapat na daw ang 15,000 pesos per week. Hindi nya alam na at least twice a week dapat magshopping, kahit sa Hong Kong lang. Natuto din akong pagkasyahin ang 15,000 sa loob ng pitong araw, pero hindi sya naging madali. Dahil sa kalagayan namin, kinakailangang magtayo ng tatlong negosyo ni ama, at naiintindihan ko na minsan ay mainit ang ulo nya pag dating sa bahay. Ngunit hindi ko inaasahan na sarili kong ama ang magdudulot ng matinding hinanakit sa akin.

Linggo nun, at magshoshopping ako with all my single ladies. Kasalukuyang kumakain ako ng frozen yogurt nun nang maalala ko na max out na ang credit card ko. Ang hirap talagang maging mahirap Kuya Chico. Dalidali akong tumakbo papunta sa kwarto ni ama para humingi ng money. Habang tumatakbo ako papunta sa kwarto nya, naalala ko na nag-gogolf nga pala si ama tuwing Linggo, pero sana hindi pa sya nakakaalis. Makaraan ang 20 minutes narating ko din ang kwarto ni ama. Nakita ko ang golf bag nya kaya natuwa ako. Ibig sabihin ay hindi pa sya nakakaalis. Pero hindi ko sya makita sa kwarto nya. Pinasok ko na ang lahat ng walk-in closet pero wala talaga sya. Nang palabas na ako ng kwarto nya, may narinig akong humahagikhik, parang pinipigil na tawa. Nang hanapin ko kung saan nanggaling ang hagikhik, nakita ko si ama na nakatago sa likod ng kurtina. "Anjan ka lang pala eh!" ang naiinis na sabi ko sakanya. Sinabi nya sa akin na nagtago sya dahil alam nya na max out na ang credit card ko at alam nya na hihingi ako ng money. Akala siguro nya makakaisa sya.

Sinabi ko kay ama na kahit 8,000 lang ay ok na pangshopping, titipirin ko nalang. Pagkatapos ng matagal na diskusyon ay binigyan din nya ako ng money. Naisip ko na magandang oportunidad na din yun para sabihin sakanya na napagusapan namin ng best friend ko na magbakasyon sa Paris pagdating ng summer. Binangit ko kay ama ang plano namin ng bestfriend ko pero naging malupit si ama. Sinabi nya na ok lang basta pagipunan ko daw. Nabigla ako sa sinabi ni ama! Pagipunan?! Alam kong mahirap kami, pero nun ko lang nasabi sa sarili ko na "kawawa... naman... ako." Umapila ako kay ama, ngunit hindi daw talaga sya magbibigay para matuto daw ako. Akala ko ay hanggang dun lang ang kalupitan na matatanggap ko nung araw na yun, pero nagulat ako ng sabihin ni ama na "Bakit hindi mo nalang ibenta yung kotse mo anak?" Kinukurot ko ang sarili ko para magising ako, at umaasa na isang bangungot lang ang lahat, pero totoo talaga ang mga pangyayari. Ang sarili kong ama, ang sarili kong dugo't laman na inaasahan kong makakaintindi sa akin, ang sya pang nagsabi ng masasakit na salita sa akin.

Matagal kong pinagisipan ang sinabi ni ama, at ngayon na malapit na ang summer, wala na akong ibang magagawa kundi ibenta ang kotse ko. Sabi nga nila, kapit sa patalim na. May isang bagay lang na gumugulo sa utak ko, at sana ay mabigyan mo ako ng karapatdapat na payo.. aling kotse ko ba ang ibebenta ko, yung apple green, burgandy, o yung pink?

Lubos na gumagalang,
Mara

Title: Mahirap

0 comments for this post

Post a Comment